NAGA CITY – Konsensiya ang naging kalaban ng 18-anyos na suspek sa pananaga-patay sa isang dalagita sa San Pedro, Iriga City kung kaya nagdesisyon na itong sumuko at umamin sa mga awtoridad.
Maaalala, patay na nang matagpuan ang isang 15-anyos na grade 9 student na dalagita sa isang maisan sa nasabing bayan noong Hunyo 25, 2022 na tadtad ng taga sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Mababatid, una na ring kinilala ang suspek na si Francis Fabellare, 18-anyos na pinsan rin mismo ng biktima.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Fabellare, sinabi nito na bago ang insidente ay binato ng dalandan ng dalagita ang suspek dahilan para habulin niya ito, at nang maabutan ito ni Fabellare, bigla na lamang umanong binunot ng dalagita ang dala nitong bolo at inambahan na ang suspek.
Dahil dito, nag-agawan ang magpinsan sa bolo na naagaw rin ng suspek, ngunit matapos ito ay bigla na lamang itong sinampal ng biktima na naging dahilan upang magdilim ang paningin nito at pinagtataga ng apat na beses ang kaniyang pinsan.
Ayon pa sa suspek, pinagsisisihan umano nito ang nangyari at nakonsensya ito sa kaniyang nagawa sa kaniyang pinsan na naging dahilan upang aminin na nito ang nagawang krimen.
Samantala, ayon naman sa naging pahayag ni PLt. Carl Joseph Jaucian, Officer-in-charge ng Iriga City Police Office, kasama pa umano ng mga naghahanap na mga kamag-anak at miyembro ng kapulisan ang suspek sa paghahanap sa biktima, kung saan ito pa mismo umano ang nagturo sa kinaroronan nito kasama ang isa pa nilang pinsan.
Ngunit, nagkaroon umano ng problema matapos na magpost ng larawan sa social media ang isa sa mga tiyahin ng biktima na naging dahilan upang mapagbintangan na suspek sa krimen at maging target sa kanilang lugar ang isang Dennis Cargullo, na nang mga panahon na ito ay bigla umanong nawala sa kanilang barangay.
Dagdag pa ni Jaucian, ayon umano kay Cargullo ay umalis ito sa kanilang barangay mismong araw kung kailan nawala ang biktima at nagtungo sa bayan ng Pili, Camarines Sur kung saan naubusan ito ng gasolina at Hunyo 26 na nang makabalik sa kanilang lugar.
Dahil naman sa takot para sa kaniyang seguridad ay agad itong humingi ng tulong sa mga awtoridad at nagpacustody.
Sa kabilang banda, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nagtaka umano ang kanilang imbestigador kung paanong naituro ni Fabellare ang kinaroonan ng biktima gayong nasa gitna ito ng maisan at matataas ang mga tanim na mais.
Dahil dito, agad umanong kinausap ng magkahiwalay ang suspek at ang isa pa nitong pinsan at dito na nga lumabas ang pagkakaiba-iba sa pahayag ng mga ito na tuluyan nang nauwi sa pag-amin at pagsuko ng suspek sa mga awtoridad.
Sa ngayon, hinahanda na ng mga awtoridad ang kasong murder na isasampa laban kay Fabellare.