NAGA CITY– Mahigit 20 piraso ng pinaniniwalaang marijuana plants ang nasamsam ng mga otoridad sa isang taniman sa Zone 1 Brgy. San Jose Baao, Camarines Sur.
Kinilala ang may-ari at suspek na si Roberto Bustinera 42-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PEMS. Melvin Nagrampa ng Baao-PNP, sinabi nitong kamakailan ng makatanggap silang report mula sa pinsan ng suspek na mayroon itong taniman ng nasabing ipinagbabawal na halaman.
Ayon kay Nagrampa, matapos ang nasabing report agad silang nagsagawa ng anti-illegal drug operations at doon nito nadiskubre at mismong naaktuhan ang suspek na dinidilagan ang kanyang mga halaman.
Kaugnay nito, narekober dito ang 22 piraso ng marijuana plants, apat na piraso ng pinaniniwalaang shabu at iba pang drug paraphernalias.
Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang suspek habang nasa ilalim pa ng masusing inspeksyon ang nasamsam na mga marjuana plants sa isang Laboratory sa Camarines Sur.