NAGA CITY – Hindi umano naabot ang target ng mga nakolektang dugo ngayon ng Department of Health – Bicol dahil pa rin sa banta ng COVID-19.
Ito ang naging pahayag ni Maita Mortega Regional Coordinator ng Mobile Blood Donation (MBD) ng DOH Bicol sa naging press conference ng nasabing ahensya.
Ayon pa kay Mortega, labis na naapektuhan ng COVID-19 ang pangongolekta nila ng dugo dahil marami pa rin umano ang ayaw lumabas sa kanilang mga bahay dahil sa banta ng nakamamatay na sakit.
Dagdag pa nito, kahit ang mga opisyal ay natatakot rin umanong magsagawa ng ganitong mga aktibidad dahil na rin sa posibleng pagkakahawa-hawa sa nasabing virus.
Nakaapekto rin umano sa pagbaba ng supply ng nakokolektang dugo ang nagpapatuloy na vaccination rollout sa rehiyon dahil kinakailangan umano ng mga ito na maghintay muna sa ikalawang dose ng bakuna bago muling payagan na magdonate ng dugo.
May mga pasyente na rin umano na kinakailangan pa rin na maghanap ng donor bago pa man maisagawa sa kanila ang mga medical procedure na kinakailangan ng mga ito.
Ayon pa kay Mortega, dahil sa mga ganitong pangyayari, may mga pagkakataon na kinakailangan pa ng mga kapamilya ng mga pasyente na magbayad upang makakuha lamang ng dugo para sa kanilang kamag-anak.