NAGA CITY – Bumuo na ng task force sagip ang 9th Infantry Division, Philippine Army sa pakikipagtulungan ng mga local government units para tumutok at tumugon sa mga problema lalo na sa panahon ng kalamidad.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Lieutenant Colonel Sierfied Felipe Awichen, 9th Infantry Division, Philippine Army, na mayroon na silang disaster plan kung saan inaatasan ang tropa ng gobyerno na tumugon kaagad sa saan man na lugar kung saan may sakuna.
Ang kanilang mga patrol vehicle ay dapat ding maging handa sa pagbibigay ng tulong at sila ang magsisilbing first responder.
Kung sakaling ang sakuna ay municipal level o malawak na ang naapektuhan dapat itong agad na respondehan ng Battalion at Brigade.
Kung provincial wide naman ang kanilang Division ang mangunguna sa mga hakbang na gagawin dito, pero kung regionwide, Regional Office 5 na ang hahawak nito.
Ang 9th ID ay patuloy din sa pagpapalakas ng mga kapasidad nito at naghahanda na bumili ng mga bagong kagamitan para palakasin ang mga kakayahan nito.
Hindi rin sila tumitigil sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units sa lalawigan ng Camarines Sur para lalo pang patatagin ang ugnayan ng dalawang panig at makatulong sa mga pagkukulang pagdating sa mga ganitong sitwasyon.