NAGA CITY-Sumiklab ang sunog sa tatlong bahay kahapon sa Sitio Buyabod Brgy. San Vicente Gumaca, Quezon.
Kinilala ang mga nasunugan na sina alyas Nestor, 58 anyos, alyas Shiela, 21 anyos, at alyas Angelo, 29 anyos, lahat residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakakuha ng tawag ang Gumaca Municipal Police Station na mayroon aniyang sunog na sumiklab simula alas 12:45 ng hapon kahapon.
Agad naman aniya silang nakipag-koordinasyon sa Bureau of Fire Protection Gumaca upang i-beripika ang insidente.
Base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nag-duruyan umano ang asawa ni alyas Nestor nang makarinig ito ng ingay sa pangalawang palapag ng kanilang bahay.
Nang kanya aniya itong imbestigahan, dito nito nakita ang isang electrical wire na kumukuryente at ayon dito ay naging sanhi ng sunog.
Dahil sa gawa sa light materials ang kanilang bahay, kaagad na kumalat ang sunog, na nadamay pa ang kabahayan nina alyas Shiela at Angelo.
Natupok naman ng sunog ang bahay nina alyas Nestor at Shiela, habang partially burned naman ang bahay ni alyas Angelo.
Nag-deklara naman ng fire out 1:20 ng hapon sa kaparehong araw, kung saan umabot aniya ang pinsala sa 220,000 Pesos habang wala namang naitala na namatay o nasugatan.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng BFP Gumaca tungkol sa nangyaring insidente.