NAGA CITY- Kasalukuyan umanong nakabandera ngayon sa bansang Thailand ang pagiging Covid-19 free sa kabila ng tuminding tensyon na nangyayari sa bansa.
Ito’y matapos idineklara ng gobyerno ng Thailand ang emergency decree kung saan pinagbabawalan sa kanilang bansa ang mga malawakang pagtipon-tipon.
Sa report ni Bombo International Correspondent Geralden Daray Pugoy, mula sa Bangkok Thailand, sinabi nito na labis ang pasasalamat ng mga mamamayan sa nasabing bansa dahil sa mabilis na pag resolba ng gobyerno sa pagkalat ng Coronavirus disease.
Ayon kay Pugoy, sa kabila ng nangyayaring malawakang kilos protesta sa nasabing bansa ay marami pa rin umanong mga mamamayan sa lugar ang mahigpit na sumusunod sa mga health protocols na ipinapatupad ng gobyerno.
Samantala kasalukuyan na rin umanong ipinapatupad sa bansa ang pagkakaroon ng face to face classes.
Kung saan kalahati umano sa bilang ng mga estudyante ang pinayagan ng makapasok sa kanilang mga paaralan habang ang iba naman ay nananatili sa kanilang bahay.
Maliban dito hindi na rin umano naghihigpit ang mga otoridad sa paggamit ng facemask ngunit may ilan pa rin aniyang nagpapatupad ng pagsusuot ng mga ito lalo na kung papasok sa mga establisyemento.