NAGA CITY – Aminado ang isa sa mga top notchers ng Philippine Military Academy (PMA) BAGSIK DIWA class of 2022 graduates na dumating ito sa punto na gusto na nitong sumuko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Faithe Turiano, an Top 4 ng PMA Class of 2022 graduates, sinabi nito na mabigat ang kanilang pinagdadaanan sa loob ng PMA.

Ngunit dahil na rin sa suporta ng kaniyang kapatid, mga magulang, at mga kamag-anak, ay pinili pa rin nitong magpatuloy.

Ayon pa kay Turiano, sa murang edad pa lamang ay nakikita na nito kung gurano ka-disiplinado ang mga miyembro ng Army lalo na ang mga babaeng officers na naging dahilan para sumibol ang pangarap nito na maging bahagi rin nito.

Samantala, ngayon na paunti-unti na nitong nakakamit ang noo’y pangarap lamang, labis ang kasiyahan nito.

Aniya, napapatunayan na nito sa sarili na kaya niya ring maging katulad ng kaniyang mga iniidolo lamang noon.

Sa ngayon, kakailanganin pa ng mga ito ng training bago tuluyang i-deploy sa kanilang mga assignment area.