PARIS, FRANCE – Nagsimula na ang Paris Olympic Torch Relay sa Paris, France na isang hudyat na nalalapit na ang pormal na pagsisimula ng inaabangang torneyo sa buong mundo.
Sa ulat ni Jay Maderazo, Bombo International News Correspondent mula Paris, sinabi nito na noong Hulyo 14, 2024, nagsimula ang Torch relay o ang paglipat ng torch sa iba’t ibang bahagi ng bansa at pagsapit ng Hulyo 26, ito ay babalik sa France para sa Olympic Games Grand Opening Ceremony.
Ayon kay Maderazo, isa sa mga may hawak ng sulo o torch ay ang isa sa mga sikat na miyembro ng BTS na si Jin, na kamakailan pa lamang lumabas mula sa kaniyang mandatory military training.
Bukod dito, hawak din ng iba’t ibang kilalang indibidwal mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo ang torch.
Dagdag pa rito, nagsisimula nang maging mahirap ang transportasyon para sa mga OFW dahil may mga code sa mga kalsada at istasyon.
Gaya ng tinatawag na asul, pula, at itim na mga lugar kung saan ang mga pulang lugar ay pinaghihigpitan o ipinagbabawal na pumunta kung sakaling walang awtorisadong tiket.
Ang nasabing hakbang na ito ay upang masiguro ang seguridad ng bawat delegado mula sa iba’t-ibang bansa maging ang mga manunuod ng mga laro sa mga susunod na araw.
Samantala, nasa 10,000 atleta naman ang inaasahang lalahok at 200 bansa ang inaasahang dadalo sa torneyo. Kung saan, dumating na rin dito ang mga delegado ng Pilipinas at kasalukuyang sumasailalim sa mga training.
Inaasahan naman na makakapagbulsa ng mas maraming medalya ang mga atletang Pinoy ngayong taon.