Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Canada ang naganap na pamamaril sa labas ng US consulate sa Toronto na itinuturing na isang “national security incident.”

Ayon sa Toronto Police, naganap ang insidente bandang alas-8 ng umaga kung saan nakarekober ang mga otoridad ng ilang basyo ng bala sa lugar.

Nagkaroon din ng pinsala sa gusali ng konsulado dahil sa pamamaril, ngunit wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Sinabi ni Toronto Police Deputy Chief Frank Barredo na isang puting Honda CR-V ang lumapit sa gusali kung saan bumaba ang dalawang lalaki at pinagbabaril ang konsulado gamit ang hindi pa matukoy na uri ng handgun.

Advertisement

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril at patuloy pa ring tinutugis ng mga awtoridad.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Toronto Police sa US State Department habang pinahigpit ang seguridad sa paligid ng konsulado.

Naganap ang insidente ilang araw matapos ang pagsabog sa labas ng US Embassy sa Oslo, Norway.

Advertisement