NAGA CITY- Dadaan pa sa proseso ang paglipat ng rehistrasyon ni Vice President Leni Robredo bilang botante sa bayan ng Magarao.

Kung maalala, personal na pumunta ang pangalawang pangulo sa opisina ng COMELEC-Naga noong Huwebes, September 30, upang ilipat ang voters registration mula sa Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Raquel Barquilla, COMELEC-Magarao Officer, sinabi nito na hindi pa naman opisyal na masasabi na botante na si Robredo sa lugar dahil sasailalim pa umano sa approval ng Election Registration Board ang aplikasyon ng sino man na aplikante.

Binigyang diin pa ng opisyal na sa Oktobre 18 pa malalaman kung aaprubahan ang aplikasyon ng pangalawang pangulo.

Samantala, lininaw naman ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ng Office of the Vice President na ang desisyong paglipat ng rehistrasyon ni Robredo ay hindi nangangahulugang tatakbo itong gobernador sa lalawigan ng Camarines Sur.

Wala pa namang desisyon hanggang sa ngayon si Robredo kung tatakbo ito sa 2022 elections.