NAGA CITY- Kasado na ang isasagawang Trillion Peso March mamayang hapon sa lungsod ng Naga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mary Catherine B. Marco – Representative, Liderato ng Nueva Atenista, sinabi nito na dadaluhan ang nasabing aktibidad ng iba’t ibang progresibong grupo at iba’t ibang sektor mula sa Rehiyong Bicol.
Ayon kay Marco, ang naturang rally ay pagpapakita ng walang sawang paglaban sa lumalalang isyu ng korapsyon sa bansa.
Naniniwala si Marco na sa pamamagitan ng boses mula sa mga mamamayang Pilipino patuloy na maibibigay an buong kasagutan sa bawat mga katanungan patungkol sa katiwalian at mga opisyal ng gobyerno na sangkot dito.
Hindi umano biro ang pera na ibinubulsa ng iilan na dapat sana ay nakalaan para sa sektor ng edukasyon at iba pang mga proyektong mapapakinabangan ng taumbayan.
Aminado naman ito na mayroong bahagi sa kanila na natatakot pa rin sa red tagging, ngunit hindi na man nangangahulugan na titigil na sila sa kanilang pakikibaka dahil ang patuloy na pananahimik at walang pakialam, ay wala ring mangyayaring pagbabago sa bansa.
Samantala, labis naman ang kasiyahan ni Marco dahil dumarami na ang bilang na mga kabataan na nakikiisa sa paglaban sa korupsyon at bulok na sistema ng bansa.
Kaugnay nito, nakatalaan na isagawa ang nasabing rally pasado alas 3 ng hapon ngayong araw.
Sa kabilang banda, tiniyak naman ng Naga City Police Office na nakahanda sila sa nasabing aktibidad at magdedeploy ng mga tauhan upang masiguro ang kaligtasan ng mga lalahok.
Sa ngayon, patuloy ang panawagan ng nasabing grupo sa publiko lalo na sa mga kabataan na makiisa sa hangaring magkaroon ng pagbabago sa bansa at mapanagot ang mga taong sangkot sa katiwalian.