Binawi ni US President Donald Trump ang kaniyang banta na magpataw ng 20% “reimbursement fee” sa mga kargamento ng mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz, wala pang 24 oras matapos niyang unang ihayag ang panukala noong Lunes, Hulyo 13.
Sa halip na singilin ang mga barko, sinabi ni Trump na itutulak na lamang ng Estados Unidos ang isang mas malawak na kasunduan sa kalakalan at pamumuhunan kasama ang iba’t ibang Gulf States.
Ang pag-atras sa naturang panukala ay kasunod ng matinding pagtutol at pagkabahala mula sa mga bansa ng Gulf Cooperation Council (GCC), na nagpahayag na hindi dapat patawan ng toll o anumang mandatoryong singil ang mga barkong dumaraan sa estratehikong rutang pandagat.
Nagpahayag din ng pagtutol ang International Maritime Organization (IMO) ng United Nations, na nagsabing walang legal na batayan sa ilalim ng international law ang pagpapataw ng sapilitang singil sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan para sa pandaigdigang kalakalan at suplay ng enerhiya.
Nagbabala naman ang mga eksperto na kung matutuloy ang 20% fee, maaari itong magdulot ng pagtaas sa presyo ng langis, gasolina, at iba pang pangunahing bilihin sa buong mundo dahil malaking bahagi ng suplay ng enerhiya ang dumaraan sa naturang strait.
Samantala, sinabi ni Trump na mananatili ang “full blockade” ng Estados Unidos laban sa mga barko ng Iran at sa mga kargamento nito. Ayon sa pangulo, mananatiling bukas ang Strait of Hormuz para sa lahat ng bansa maliban sa Iran at sa mga tumatangkilik sa kanilang kalakalan.












