Dumating sa Beijing si US President Donald Trump nitong Miyerkules kasama ang ilang business leaders kabilang sina Elon Musk at Nvidia CEO Jensen Huang, para sa dalawang araw na summit kay Chinese President Xi Jinping na layong pag-usapan ang trade at iba pang isyung geopolitikal.
Sinalubong si Trump sa China ng engrandeng pagtanggap mula sa mga opisyal ng pamahalaan, military honor guard, at mga estudyanteng may hawak na bandila ng United States at China nang bumaba siya sa Air Force One.
Kasama sa delegasyon ng pangulo ang mga chief executives mula sa malalaking kumpanya, kabilang ang Nvidia at Tesla CEO Elon Musk, na inaasahang tutulong sa pagtalakay ng mga isyu sa kalakalan at teknolohiya sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Trump na hihilingin niya kay Xi Jinping na “buksan” ang China sa mas malawak na oportunidad para sa mga negosyong Amerikano, partikular sa larangan ng teknolohiya at AI chips.
Ayon sa ulat, layunin ng summit na palakasin ang pansamantalang trade truce ng dalawang bansa at tugunan ang mga sensitibong isyu tulad ng export controls sa semiconductors, arms sales sa Taiwan, at tensyon sa Middle East.
Kasabay ng pagbisita, nagsagawa rin ng preparatory talks ang US trade negotiator na si Scott Bessent at mga opisyal ng China sa South Korea, na tinawag na “candid, in-depth and constructive,” ngunit walang inilabas na detalye.
Nakatakdang magkaroon ng grand reception sa Great Hall of the People, pagbisita sa Temple of Heaven, at state banquet bilang bahagi ng opisyal na programa ni Trump sa China.
Sinabi naman ng Chinese foreign ministry na handa silang palawakin ang kooperasyon at pamahalaan ang mga pagkakaiba upang magdala ng “stability and certainty” sa pandaigdigang ekonomiya.
Habang nagpapatuloy ang summit, inaasahang magiging sentro ng diskusyon ang trade imbalance, access sa advanced chips, at ang papel ng China sa mga internasyonal na tensyon tulad ng digmaan sa Iran.














