NAGA CITY- Stranded pa rin hanggang ngayon ang ilang mga turista at mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa isla ng Calaguas sa lalawigan ng Camarines Norte dahil sa masamang kalagayan ng panahon.
Ito ang kinumpirma ni Chief Petty Officer Raymond San Jose, Deputy Station Commander ng PCG-Camarines Norte sa panayam ng Bombo Radyo Naga.
Ayon kay San Jose, araw ng Sabado nang kanselahin ng kanilang himpilan ang byahe ng mga sasakyang pandagat patungo at paalis sa Calaguas Island dahil sa malalakas na alon.
Napag-alaman na kasama sa mga stranded maging ang Acting Station Commander ng PCG-Camarines Norte.
Tiniyak naman ng opisyal na nasa mabuting kalagayan ang mga turista na stranded ngayon sa nasabing isla.
Una rito, nabatid na lumubog ang MV Jordan 2 sa barangay Banocboc sa bayan ng Vinzons matapos na tamaan ng malakas na alon habang patungo sa isla ng Calaguas.
Nailigtas naman ng mga tauhan ng PCG-Camarines Norte ang 19 mga turista na sakay ng nasabing bangka.
Samantala, nakabalik na rin sa mainland ng bayan ng Jose Panganiban ang tinatayang mahigit sa 200 mga turista na na-stranded din sa Parola Island noong araw ng Sabado.