Mahigit 240,000 katao ang naapektuhan ng Typhoon Bavi matapos itong mag-landfall sa Kuancheng County sa Hebei Province, China, na nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang lalawigan sa hilaga at hilagang-silangan ng bansa.

Dahil sa walang tigil na malalakas na pag-ulan, maraming kalsada ang nananatiling lubog sa baha. Sa mga kumalat na video sa social media, makikitang inanod ng rumaragasang tubig ang ilang sasakyan na nauwi sa banggaan sa mga binahang lansangan. May ilang residente rin ang gumamit ng paddleboard at maging paglangoy upang makatawid sa mga kalsadang mistulang naging ilog dahil sa taas ng tubig.

Ayon sa mga awtoridad, nasa 1,800 residente ng Kuancheng County ang na-stranded. Sa kasalukuyan, prayoridad ng pamahalaan ang paglikas sa mga apektadong pamilya at ang pagbibigay sa kanila ng pansamantalang matutuluyan.

Samantala, itinaas na sa red alert ang Liaoning Province dahil sa mataas na panganib ng flash flood. Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng ilang negosyo at trabaho, gayundin ang mga pampublikong pagtitipon sa mga lugar na nasa ilalim ng heavy rain alert.

Advertisement

Kinumpirma ng mga awtoridad na ang Typhoon Bavi ang pinakamalakas na bagyong tumama sa mainland China ngayong taon. Nagbabala rin sila na maaari pang magdulot ang bagyo ng malalakas na pag-ulan sa mga lalawigan ng Jilin, Liaoning, Hebei, Shandong, Jiangsu, at Anhui, na posibleng magpalala pa sa umiiral na pagbaha.

Dahil sa masamang lagay ng panahon, sinuspinde rin ang ilang biyahe ng tren sa Shenyang, na nakaapekto sa mahigit 30 railway sections. Pansamantala ring isinara ang mga paaralan sa ilang lugar, kabilang ang Jilin Province.

Ayon sa China Meteorological Administration, inaasahan pa ang mga thunderstorm, hailstorm, at malalakas na hangin sa hilaga at gitnang bahagi ng China. Sa ilang lugar, maaaring umabot sa Force 11, o tinatayang 117 kilometro kada oras, ang lakas ng hangin.

Advertisement