NAGA CITY- Kinumpirma ngayon ni Naga City Mayor Nelson Legacion, ang unang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa naging pahayag ng alkalde, sinabi nitong natanggap nila ang nasabing balita mula sa Department of Health (DoH).
Ayon sa alkalde, nabatid na isang 30-anyos na babae, ang nagpositibo sa nakakahawang sakit na mayroong travel history sa ibang bansa.
Napag-alaman na dumating ito sa bansa galing sa Dubai, UAE noong Enero 30 at dumiretso sa lungsod ng Caloocan.
Ika-4 ng Marso dakong alas 9:00 naman ng gabi, sumakay ito sa Isarog Bus pauwi ng lungsod ng Naga kung saan nanatili ito sa bahay ng kaniyang lola sa Barangay Concepcion Pequena, Naga City.
Napag-alaman din na ika-8 ng Marso pumunta pa ang pasyente sa isang resthouse sa probinsiya ng Albay gamit ang isang pribadong sasakyan.
Ngunit ika-19 ng Marso, nilagnat na ito at nakaramdam ng hirap sa kaniyang paghinga kung kaya agad itong pumunta sa BCDC para komunsulta sa doktor at nirefer ito sa Bicol Medical Center (BMC) sa lungsod ng Naga para sa isa pang check-up.
Dahil sa nararamdaman at travel history nito, kinuhanan ito ng swab sample na ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) habang naka-confine ito sa BMC.
Matapos ang 11 araw, dito na nakumpirma na nag-positibo ang nasabing pasyente sa COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, patuloy pam rin ang isinasagawang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente.
Samantala, kasalukuyan itong nasa Bicol Medical Center at patuloy nagpapagaling.