NAGA CITY- Naghahanda na ang Naga City sa nalalapit na Undas partikular na sa Concepcion Public Cemetery.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Francis Mendoza, Kapitan ng Concepcion Pequeña, Naga, City na nililinis na nila ang sementeryo sa kanilang barangay at nakikipag-ugnayan na sila sa mga augmented personnel ng pulisya.

Bukod dito, hihingi din sila ng tulong sa ibang barangay na hindi ginagagamit na mga tanod, kung saan sila ay tutulong sa kanila lalo na’t ang kanilang barangay ay dinadagsa pagdating ng undas. Maging ang pampublikong palikuran ay naayos na.

Samantala, noong nakaraang buwan, may karagdagang 10 PNP augmentation ang dumating sa kanilang barangay na gagamitin din para pangasiwaan ang trapiko, mga nagdadala ng patalim at mga umiinom ng alak.

Sa kasalukuyan, ay may mga naglilinis na umano sa sementeryo kaya nagsisimula nang nagdatingan ang mga tao.

Kaugnay nito, ipinagbabawal naman ang pag-inom sa loob at malapit sa sementeryo, pagdadala ng matutulis na bagay gayundin ang pagtitinda sa loob. Gayunpaman, hindi sila maniningil sa mga tindera na residente ng kanilang barangay hindi tulad noong nakaraang taon.