NAGA CITY – Nagsampa ng reklamo sa USA Security and Exchange Commission ang grupo ng US Filipinos for Good Governance.
Ito’y upang i-review ang umanoy maanomaliyang share deal sa pagitan ng Chevron Philippines at Udenna Corporation sa Malampaya Gas Field.
Maaalala na una nang inirekomenda sa resolusyon ng senado na sampahan ng kaso sina Energy Secretary Alfonso Cusi at 11 opisyal ng Department of Energy dahil sa isyu sa Malampaya Deal.
Kasong graft, gross neglect of duty at grave misconduct ang inirekomendang kaso na isampa laban sa nasabing mga opisyal.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Loida Lewis, ang Chairman ng US Filipinos for Good Governance, sinampa nila ang nasabing reklamo kasama ang pito pang Filipino American Group.
Napag-alaman na inaprubahan ng ahensya ang transaksiyon ng Chevron Philippines at Udenna Corporation sa pagbebenta ng Malampaya Consortium shares.
Kwestiyonable kaya umano at kulang rin ang financial qualification ng UC Malampaya at hindi naman nagpasa ng karampatang mga papeles katulad na lamang ng audited financial statement.
Kinumpirma rin ni Lewis na dapat ma-eexpire na ang $4.5-billion service contract ng Malampaya Consortium sa Disyembre 2024.
Ibig sabihin lamang umano nito na ang pamahalaan na ang may-ari ng Malampaya fixed assets sa taon na ito.
Ngunit dahil sa pagkuha ni Dennis Uy sa 90% ng Malampaya sa pamamagitan ng Udenna Corporation, posibleng i-extend pa ng pamahalaan ang service contract ng Malampaya at kung makukuha nila ang nasabing extension, malaki ang posibilidad na mapasakamay ng mga ito ang fixed assets ng Malampaya at makontrol ito sa loob ng mahabang panahon.
Ito naman umanao ang ipinaglalaban ngayon ng grupo ni Lewis bago pa ito maging problema sa energy security ng Pilipinas.
Maaalaa na simula nang pormal na magsimula ang operasyon ng Malampaya noong 2001, naging malaki ang papel nito sa supply ng kuryente sa Luzon habang nag-aabot naman sa 20% ang ambag ng Malampaya sa power supply sa buong Pilipinas.