Nag-alok ang US State Department ng hanggang $10 milyon na pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng ilang matataas na opisyal ng Iran sa ilalim ng Rewards for Justice Program.

Kabilang sa mga nasa listahan ng Estados Unidos ang bagong Supreme Leader ng Iran na si Mojtaba Khamenei.

Ayon sa US State Department, ang hakbang ay kaugnay ng mga operasyon laban sa mga lider ng Iran matapos ang pinagsamang pag-atake ng Estados Unidos at Israel na ikinasawi ni Ayatollah Ali Khamenei at ilang matataas na opisyal ng bansa.

Sinabi ng US na ang mga indibidwal na nasa listahan ay may direktang kapangyarihan sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), na umano’y sangkot sa pagpaplano at pag-oorganisa ng mga aktibidad ng terorismo sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Advertisement

Kabilang pa sa mga tinutugis ng US State Department sina Minister of Intelligence Esmail Khatib, Deputy Chief of Staff Ali Asghar Hejazi, Major-General Yahya Rahim Safavi, Brigadier General Eskandar Momeni, at Secretary to the Supreme Council Ali Larijani.

Ang alok na pabuya ay bahagi ng patuloy na kampanya ng Estados Unidos upang matunton ang mga pinaghihinalaang responsable sa mga operasyong may kaugnayan sa terorismo.

Advertisement