Nagbigay ng matinding babala ang Estados Unidos laban sa Iran sakaling mauwi sa wala ang nakatakdang pag-uusap ng dalawang bansa, kasabay ng panawagan para sa kapayapaan at agarang pagtigil ng karahasan.

Ayon kay White House press secretary Karoline Leavitt, mas nais ni US Pres. Donald Trump na magkaroon ng kapayapaan kaysa lalo pang lumala ang tensyon at giyera sa pagitan ng US at Iran.

Binigyang-diin ni Leavitt na batid ni Trump ang matinding pinsala at dami ng nasawi dulot ng sigalot, kaya nararapat lamang aniyang ito ay matigil sa lalong madaling panahon.

Gayunpaman, nagbabala ang White House na kung magpapatuloy ang Iran sa pagtanggi at hindi kikilalanin ang kanilang sitwasyon, hindi magdadalawang-isip ang Pangulo ng US na paigtingin pa ang mga pag-atake.

Advertisement

Sa kasalukuyan, inaayos na rin ng White House ang isang pormal na pag-uusap sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, bilang bahagi ng pagsisikap na maresolba ang alitan sa mapayapang paraan.

Advertisement