Inihayag ni US Pres. Donald Trump na halos makamit na ng Estados Unidos ang mga pangunahing layunin nito sa digmaan laban sa Iran at posibleng malapit nang magtapos ang nasabing labanan.

Sa isang televised address nitong Miyerkules ng gabi, Abril 1, sinabi ni Trump na napinsala na ng militar ng US ang kakayahan ng Iran kabilang ang navy at air force nito, pati na ang ballistic missile at nuclear programs.

Gayunman, iginiit ng pangulo na magpapatuloy pa rin ang opensiba ng US sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo upang tuluyang makamit ang mga layunin ng operasyon.

“We are going to finish the job, and we’re going to finish it very fast. We’re getting very close,” ani Trump.

Advertisement

Sa kabila nito, nahaharap si Trump sa lumalaking pag-aalala mula sa publiko ng Amerika na tutol sa digmaan, lalo na dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina dulot ng epekto ng kaguluhan sa global oil supply.

Tinugunan ng pangulo ang isyu sa pagsasabing pansamantala lamang ang pagtaas ng presyo at dulot umano ito ng mga pag-atake ng Iran sa mga oil tanker ng mga karatig-bansa.

Hindi rin nagbigay ng tiyak na petsa si Trump kung kailan tuluyang matatapos ang digmaan, ngunit binanggit na posibleng targetin din ng US ang mga energy at oil facilities ng Iran kung kinakailangan.

Samantala, hindi direktang tinalakay ni Trump ang papel ng NATO sa kanyang talumpati, kahit na nauna niyang ipinahayag ang pagkadismaya sa umano’y kakulangan ng suporta ng alyansa sa layunin ng US sa naturang digmaan.

Advertisement