NAGA CITY – Wala pang malinaw na hakbang ang Estados Unidos hingil sa halos sunod-sunod na serye nang pamamaril na nangyari sa kanilang bansa.
Ito’y kasunod nang nangyaring magkasunod na mass shooting sa California na ikinamatay ng nasa 18-katao.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Florante Coronel mula sa New York, sinabi nito na dahil sa pangyayari nagkakaroon na ngayon ng mahabang debate ang mga namumuno sa nasabing bansa hinggil sa pagbili ng mga armas at bala ng mga kwalipikadong mga mamamayan.
Ayon pa kay Coronel, mayroon umanong posibilidad na maging mahigpit na ang proseso sa pagbili ng baril sa US, magkakaroon na rin ng criminal background at pagsasagawa ng monitoring sa mga bibili nito.
Binigyan diin pa ni Coronel na mangangailangan ng mahabang oras upang mapag-aralan ang mga nangyayari sa kanilang lugar.
Sa kabilang banda, nagsasagawa na ng malalimang pag-aaral ang mga imbestigador hinggil sa mga insidente ng mass shooting dahil ang mga nagiging suspek umano sa mga ito ay ang mga taong hindi inaasahan na makakagawa nang ganoong klase ng krimen.
Maaalala, binawian ng buhay ang nasa 11-katao sa nangyaring pamamaril-patay sa Monterey Park, California kung saan nagpakamatay rin ang suspek sa loob ng isang puting van habang napapalibutan ng mga pulis ng Torrance, ilang oras matapos ang nasabing insidente.
Samantala, nasa pitong katao naman ang namatay sa ikalawang mass shooting na nangyari sa Half Moon Bay, California, kung saan ang itinuturong suspek sa nasabing krimen ay parehas senior citizen.
Nagparating rin ng pakikiramay si Coronel sa mga kapamilya ng mga bikitma at sa ngayon ay umaasa na lamang ito na magkakaroon na nang karampatang hakbang ang US government hinggil sa nasabing mga insidente ng mass shooting.