NAGA CITY- Tinatayang aabot sa 600 doses ng Sinovac vaccine ang itinalaga ngayon ng Department of Health sa sa 9th Infantry Division, Philippine Army.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Paul Belleza, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO), 9ID, Phil.Army, sinabi nito na naging matagumpay ang pag dating ng nasabing bakuna kung saan personal itong sinalubong ng kanilang Division Commander na si Major General Henry A. Robinson, JR., kasama ang ilang representante ng DOH-Bicol.
Ayon kay Belleza inaasahang sa susunod na linggo agad na masisimulan ang nasabing vaccination rollout matapos ang isasagawang simulation exercise.
Nabatid na pansamantala munang mananatili ang mga bakuna sa Department of Health-Camarines Sur dahil ito umano ang mayroong cold storage na pwedeng paglagyan ng nasabing mga bakuna.
Sa ngayon tiniyak naman nito na unang makakatanggap ng bakuna ang 300 recipients mula sa prioritization list ng 9ID at lalo na ang mga medical personnel.