NAGA CITY – Bumaba ang naitalang kaso ng vehicular accidents sa lalawigan ng Camarines Sur kaugnay nang naging pag-obserba ng Holy Week ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Maalala, nakapagtala ng nasa 108 na vehicular incidents ang Camarines Sur Police Provincial Office noong nakaraang taon kasabay ng naging pag-obserba ng Semana Santa na nagbaba sa 28 kaso lamang ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Riam Omcampina, Camarines Sur Police Provincial Office-PNCO, sinabi nito na sa kabila ng malaking pagbaba na ito nananatiling ang mga motorsiklo pa rin ang karaniwang nasasangkot sa mga ganitong klase ng aksidente.
Naging malaking tulong rin naman ang paglalatag nila ng mga motor assistance desk para sa mga motorista sa mga boundary at mga kakalsadahan upang maiwasan ang iba’t-ibang klase ng aksidente.
Maliban pa dito, mayroon rin silang mga naka standby na mga personahe na agad na maiideploy kung mayroong mga police station na mangailangan ng dagdag na tulong.
Samantala, hindi umano dito nagtatapos ang kanilang pagbabantay dahil sa ngayon ang pinaghahandaan naman nila ay ang posibleng pagdagsa ng mga turista dahil sa summer vacation. Kung saan nakakatuwang naman nila ang MDRRMO, PNP maritime, Tourist Police Unit at iba pa sa pagpapatrolya at pagsiguro na magiging ligtas ang lahat ng pasyalan ngayong summer season sa buong lalawigan ng Camarines Sur.
Sa kabuoan, mayroong isang insidente ng pagkalunod ang naitala ng CSPPO sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur na may kinalaman sa pag-obserba ng Holy Week. Ang kaso naman ng pagkalunod sa nabanggit na lalawigan ang nakitaan rin ng pagbaba.
Sa ngayon, mananatili ang presensya ng kapulisan sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan upang masiguro at mapanatili ang katahimikan at seguridad lalo na sa mga dinarayong mga lugar sa probinsya.