Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na kumilos agad upang mapagaan ang epekto ng inaasahang malalaking pagtaas sa presyo ng gasolina at diesel sa susunod na linggo.

Sa isang pahayag sa kanyang Facebook page nitong Sabado, iminungkahi ni Duterte ang ilang hakbang upang maibsan ang epekto ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East.

Aniya, hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan na bawasan ang paggamit ng fuel sa mga non-essential na aktibidad, tulad ng festival parades, at bumuo ng mga komite na magbabantay sa presyo ng pangunahing bilihin.

“Bumili muna sa lokal na produkto upang palakasin ang lokal na ekonomiya at mabawasan ang epekto ng pagtaas ng langis. Bawasan ang hindi kailangang paggamit ng enerhiya tulad ng pag-carpooling, bisikleta at pwedeng ayusin ang schedule ng lakad upang mabawasan ang madalas na pagbiyahe,” payo ng Bise Presidente.

Advertisement

Binigyang-diin din niya ang tungkulin ng gobyerno na protektahan ang mga mamimili sa pamamagitan ng regular na inspeksyon at pagsasara sa mga negosyanteng lumalabag. Dagdag pa niya, maaaring isaalang-alang ang temporary subsidies, price caps sa pangunahing bilihin, at targeted cash transfers sa low-income na pamilya.

“Makakahanap tayo ng paraan upang mapagaan ang ating pasanin—sa pamamagitan ng pagtutulungan sa komunidad, pagtangkilik sa lokal na produkto, at pagiging maingat sa ating paggastos at paggamit ng enerhiya,” dagdag niya.

Ayon sa Department of Energy, maaari umabot sa higit 80 pesos kada litro ang diesel ngayong buwan kung walang staggered price adjustments, habang inaasahang tataas ang presyo ng gasolina ng P7.09 at diesel ng P15.33 kada litro sa susunod na linggo batay sa unang tatlong araw ng kalakalan ngayong linggo.

Ang pahayag ni VP Duterte ay naglalayong maagapan ang pagtaas ng presyo at maprotektahan ang mamimili sa gitna ng patuloy na krisis sa Middle East.

Advertisement