NAGA CITY- Samu’t-sari ang naging reaskiyon ng mga mamamayan sa naging desisyon ni Vice President Leni Robredo sa pagtakbo nito bilang Pangulo ng bansa sa susunod na eleksiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa dating konsehal na malapit sa pamilya Robredo na si Jun Labadia, sinabi nito na marami ang natuwa at napaiyak sa naging anunsiyo ng pangalawang pangulo.
Kung maalala, ito ang matagal nang hinihintay hindi lamang ng mga Nagueño at mga Bikolano kung hindi gayundin naman ng buong bansa.
Lininaw naman ni Labadia na ang desisyon na ito ni VP Leni ay hindi lamang dahil sa naudyok ito ng publiko.
Sa katunayan aniya, bago ang naging anunisyo ni Robredo hanggang sa huling minuto, undecided pa rin si Robredo dahil malaking sakripisyo ito sa kaniya.
Sa kabila nito, buo pa rin ang suporta ng pamilya Robredo sa naging desisyong ito ng pagtakbo sa pagka-pangulo ng bansa para sa 2022 Elections.
Samantala, sang-ayon naman ang mga vendors sa lungsod ng Naga sa naging desisyon ni Vice President Leni Robredo sa pagtakbo sa pagka-presidente para sa darating na hahalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ferdinand Dino, isang vendor sa lungdos, sinabi nito na maganda ang desisyong ito ng pangalawang pangulo para mapalitan na ang mga nakaupo sa pamahalaan.
Dagdag pa nito, kung sakaling manalo si Robredo, inaasahan nila na maayos na ang sistema ng bansa lalo na ang hamong dala ng pandemya.
Kaugnay nito, umaasa naman si Gie Alcantara, isang vendor ng isda, na matututukan ang lungsod ng Naga at madadagdagan pa ang mga proyekto sa rehiyong Bikol kung sakaling maluklok na Pangulo si Robredo.
Sa ngayon, panawagan na lamang ng mga ito kay Robredo na ipagpatuloy ang laban dahil nariyan aniya ang kanilang buong suporta para magkaroon ng mabuting lider ang bansa.Top