NAGA CITY-Binigyan diin ni VP Leni Robredo na hindi isang pagkatalo ang hindi pagkapanalo nito sa Eleksyon 2022.
Ito ang naging pahayag ng bise-presidente sa isinagawang misa pasasalamat na inorganisa nang Solid Leni Bikol sa lungsod ng Naga.
Ayon kay VP Leni, hindi matatapos ang pakikipaglaban nito para sa isang maayos at malinis na pamahalaan kahit hindi nanalo bilang Presidente ng Pilipinas.
Magpapatuloy umano ito sa mga nasimulan nang programa katulong ang mga taong may kaparehas na adbokasiya sa kanya.
Pero ipinangako naman ng bise-presidente na hindi nila ipagsasawalang bahala ang mga naiulat na mga iregularidad na nangyari sa halalan.
Pinasalamatan din ni Robredo ang lahat ng kanyang mga tagasuporta sa malaking nagawa ng mga ito sa durasyon nang kanyang kampanya.
Binigyan din nito ng pagpupugay ang lahat ng pagsasakripisyo, pagtitiyaga at paglalaan ng mga ito ng oras sa pagsuporta sa kanya.
Samantala, hinikayat din ni Robredo ang lahat ng kanyang mga tagasuporta na tanggapin ang anuman na maging pinal na resulta nang eleksyon sa kabila ng samut-saring nararanasang emosyon.
Pinaalalahanan din ni Robredo ang lahat na idaan sa tama ang nararamdamang kalungkutan sa resulta ng Election.
Sa ngayon, hiling na lamang ni VP Leni sa lahat ng taong naniniwala sa kaniya na sana walang maramdamang pagsisisi ang mga ito at maniwala na magkakaroon din ng magandang pagbabago ang bansa.