NAGA CITY- Nagbanta si Vice President Leni Robredo na ibubunyag lahat ng nalalaman nito kasabay ng gagawing ulat sa bayan.

Sa pagharap nito sa mga kagawad ng media sa San Fernando, Camarines Sur, naging mainit ang mga binitawan nitong pahayag matapos sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co- chairman ng Inter Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).

Ayon kay Robredo, hindi siya kilala ng administrasyon at nanindigan itong hindi pa natatapos ang kanyang laban sa iligal na droga.

Aniya, bagama’t wala na sa posisyon, ngunit determinado itong ipagpatuloy ang kanyang nasimulan gaya ng pagpapatigil sa patayan at pananagutin ang dapat managot at ipanalo anh kampanya laban sa iligal na droga.

Dagdag pa nito, nagsisimula pa lamang siya sa kanyang trabaho ngunit sinabayan na ito ng walang tigil na batikos na natatanggap habang pinagtutulungan din aniya siya para hindi magtagumpay.