NAGA CITY – Pinabulaanan ng Bise Presidente ang kumakalat na impormasyon na hinihingi umano nito ang mga precint numbers sa pamamagitan ng kaniyang Bayanihan e-Konsulta page.
Sa opisyal na pahayag ni Vice President Leni Robredo, sinabi nito na hindi pa eleksiyon ay ginagamit na nila ito para makatulong sa mga mamamayan.
Dagdag pa nito, may eleksiyon man o wala, hindi umano matatawaran ang kanilang consistent service sa publiko.
Mababatid na ang Bayanihan e-Konsulta page ay inilunsad ng Office of the Vice Presidente sa tulong ng mga volunteer doctors at health professionals, para sa isang libreng serbisyo.
Layunin din nito ang makapagbigay ng atensyong medikal sa mga outpatient cases sa National Capital Region (NCR) at sa mga karatig lugar lalo na sa mga mamamayan na walang access sa mga doktor o sa ibang telecommunication platforms.
Mensahe na lamang ni Robredo sa mga naninira sa kaniya na tumulong lalo na sa mga mamamayan na labis ang pangangailangan dala ng COVID-19 pandemic.