NAGA CITY – Binigyan diin ni Vice President Leni Robredo na wala pa itong pinal na desisyon kung tatakbo ito sa pagka-pangulo sa 2022 elections.

Kung maaalala, una ng sinabi ng bise presidente na magdedesisyon lamang ito kung tama na ang panahon.

Sa naging pagharap ni Robredo sa mga kagawad ng media sinabi nito na hanggang ngayon ay wala pa itong nagiging desisyon, dahil maraming bagay aniya ang mga dapat ikonsidera.

Dagdag pa nito, hindi rin umano madali ang maging Pangulo ng isang bansa.

Advertisement

Aniya, maaari umano itong magpalabas ng desisyon pagdating ng buwan ng Setyembre o bago ang filing of candidacy sa buwan ng Oktubre.

Kaugnay nito, ayon pa sa bise presidente, maaga pa para pag-isipan kung sino ang makakatandem nito bilang bise presidente sakali man na tumakbo ito sa presidential position sa 2022 elections.

Sa kabila nito, nagpaabot din ng pasasalamat si Robredo sa mga supporters nito sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas na patuloy na nagsasagawa ng mga aktibidad na nakakatulong sa mga nangangailangan katulad na lamang ng mga community pantries.

Panawagan lamang nito sa mga sumusuporta sa kaniya na huwag ng tumulad sa mga naglilibot umano sa Pilipinas para lamang mapataas ang ratings sa mga survey.

Sa ngayon, nakatutok pa umano ang bise presidente sa paglaban at pagbabakuna laban sa COVID-19 at hindi pa nito napapagtutuunan ng pansin ang 2022 local and national elections.

Advertisement