NAGA CITY- Matinding galit at awa ang nararamdaman ng maraming mga Pilipino sa walang awang pagpatay sa isang golden retriever na aso na si Killua matapos itong makita na wala ng buhay at isinilid pa sa sako sa Bato, Camarines Sur.
Kitang-kita naman sa CCTV footage kung paano hinabol at pinaghahampas ng lalaki na kinilalang si Anthony Solares ang walang kalaban-laban na aso.
Kaagad naman nagtungo ang pamilya ng may-ari ng aso sa kinaroroonan ng lalaki at pagdating sa lugar, dito na sila nanlumo nang makita ang wala nang buhay na katawan ni Killua na nasa loob ng sako at duguan ang ulo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Vina Rachelle Arazas, may-ari ng aso, sinabi nito na hindi sila papayag na makipag-kasundo sa lalaking pumatay sa kanilang pinakamamahal na aso. Gayundin, nananawagan ito na itigil na ang mga pang-aabuso sa mga hayop.
Nakipag-ugnayan narin si Arazas sa mga agencies tulad ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) upang matulungan sila na makamit ang hustisya na isinisigaw ng taong bayan at ng kanilang pamilya para kay Killua.
Ayon naman kay Paul Vincent Espinola, Brgy. Kapitan ng Tres Reyes sa nasabing bayan, na inamin naman ni Solares ang pagpatay nito sa aso. Ginawa lang kasi aniya nito ang nararapat, dahil kinagat umano ng aso si Solares.
Dagdag pa nito na baka daw kasi mangagat pa ng iba tao ang aso kung kaya’t kanya ng pinatay.
Ayon naman sa CCTV ng barangay, nakasarado naman ang gate ng bahay nila Arazas, at tumalon lang ito sa gate at nang may nakita na matanda hinabol ito ng aso kaya nilapitan ito ni Solares upang tulongan ngunit kinagat rin umano ito rason upang habolin at hampasan hanggang sa mamatay ang aso.
Kaugnay nito, kinondena naman ni Senator Grace Poe ang nakakadurog ng puso at nakakagalit na balita. Dahil dito, nanawagan ang senadora na palawakin at palakasin ang batas laban sa pagmamalupit sa mga hayop dahil sa karahasang patuloy na dinaranas ng mga ito. Sa ilalim ng Senate Bill 2458 o ang ‘Revised Animal Welfare Act’ kung saan mandatory nang isasama sa curriculum ng primary at secondary ang Animal Welfare Education.