NAGA CITY- Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang nawawalang fishing vessel at ang walong tripulante sa Mercedes, Camarines Norte.
Kinilala ang mga sakay ng barko na sila Jhun Calisay, 50-anyos; Anthony Quirante, 32-anyos; Edmond Parago, 30-anyos, residentes ng Brgy. Talaan Aplaya, Quezon; Ricardo Hansol; Erick Torres; Nasario Pardinas; Rodelio Abines at Armando Fajardo, residentes ng purok 4, Brgy. San Roque, Mercedes, Camarines Norte.
Ayon kay PMaj. Romeo Hugo, hepe ng Mercedes Municipal Police Station, umalis aniya ang nasabing barko na may pangalan na F/B Mutya B sa baybayin ng Barangay 4 sa nasambing bayan ng Hulyo 11, 2023 para mangisda. Ngunit pagdating aniya ng barko sa bisinidad ng Sulong Bato island noong Hulyo 12, 2023, nasira ang makina nito at hindi na umandar.
Ayon pa dito, nang may dumaan na maliit na bangka, sumakay ang kapitan ng barko na si si Joselito Cosejo, 43-anyos, residente ng Brgy Salinas, Lucena City papunta sa baybayin para humingi ng tulong. Dahil dito, agad na pinaghahanap ng isa pang barko na FB Marlon na pagmamay-ari ng isang Maricel Parzuelo, ang may-ari rin ng FB Mutya ngunit pagdating sa lugar, hindi na aniya nakita ang nawawalang fishing vessel. Dito na nagdesisyon na ireport sa mga awtoridad ang insidente.
Samantala, nakikipagcoordinate na rin ang mga awtoridad sa iba’t ibang ahensiya kasali na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO ), Coast Guard at Maritime ng nasabing bayan kasabay ng paglunsad ng search and rescue team para hanapin ang nawawalang mga indibidwal.
Sinabi kasi ni Hugo na dahil sa Hanging Habagat, posibleng anurin an mga ito palayo sa baybayin.
Sa ngayon, umaasa na lang ang mga awtoridad na buhay pa ang mga nawawalang tripulante.