NAGA CITY- Napiling kumanta ng pambansang awit ng Pilipinas ang Bicolana-singer na si Blessie Mae Abagat sa isasagawang ikatlong State of the Nation Address ni Presidente Ferdinand Bongbong Marcos Jr sa araw ng Lunes, July 22, 2024.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Blessie Mae Abagat, tubong Camaligan Camarines Sur sinabi nito na isang karangalan ang kumanta ng Pambansang awit ng Pilipinas sa SONA ng Presidente dahil hindi lamang ito para sa kanyang pamilya, mga Bikolano kundi maging para sa lahat ng mga Pilipino lalo pa’t ang nasabing aktibidad ay isa sa mga mahalagang event sa buong Pilipinas.
Ayon sa Bicolano-singer, nag-message umano sa kanya ang isang opisyal sa World Championship of Performing Arts na naghihikayat sa kanya na mag-send ng kanyang video na kumakanta ng Lupang Hinirang at mula dito nagtuloy-tuloy na ang pagkakapili sa kanya.
Dagdag pa ni Abagat, hindi umano ito makapaniwala na siya ang kakanta ng National Anthem dahil simpleng tao lamang ito at maraming mga magagaling na singer sa bansa.
Ang 27 anyos na si Blessie Mae Abagat ay itinanghal bilang kampeon sa 2024 World Championship of Performing Arts (WCOPA) na isinagawa sa California, USA kung saan nasungkit nito ang limang medalya na kinabibilangan ng nasa apat na gold medal at isang silver medal mula sa iba’t-ibang kategorya ng naturang kompetisyon.
Samantala, puspusan naman ang isinasagawang paghahanda ng Bicolana-singer para sa kanyang gagawing pagkanta ng Lupang Hinirang katulong ang kanyang mga kaibigan at mga kasamahan sa World Championship of Performing Arts dahil hindi basta-basta ang mga dadalong bisita at nais rin nitong i-angat ang bandila ng bansa at ipakita ang galing ng mga Bikolano.
Kaugnay nito, ngayong araw at bukas magkakaroon ng rehearsal si Abagat sa mismong venue na bahagi pa nang kanyang paghahanda upang maiwasan na magkaroon ng aberya sa mismong araw ng SONA.
Sa ngayon, nagpasalamat na lamang si Abagat sa lahat ng mga tao na tumulong sa kanya sa preparasyon para sa isasagawang SONA ng Presidente sa araw ng Lunes.