NAGA CITY – Naging generally peaceful ang weeklong celebration ng Peñafrancia Festival sa lungsod ng Naga.
Sa naging pagharap sa mga kawani ng media ni Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nito na matagumpay na natapos at naipagdiwang sa mapayapang paraan ang nasabing aktibidad na nagpakita ng iba’t-ibang indikasyon hindi lamang sa bahagi ng simbahan gayundin sa lokal na pamahalaan ng lungsod.
Ayon sa alkalde ang tagumpay na ito sa pagdiriwang ng kapistahan ang nagpapakita na pagdating sa malalim na pananampalataya sa Panginoon, kay Inang Penafrancia, at kay El Divino Rostro, kayang magkaisa ng mga Bikolano para sa iisang layunin na palakasin ang pananampalataya.
Aniya, nagpapakita rin ito na kayang pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Naga ang anuman na aktibidad gayundin ang pagbuhos ng mga deboto, perigrino at mga bisita sa Naga.
Dagdag pa ng opisyal, ang ganito kalaking event ay mayroong magandang impact sa ekonomiya at negosyo sa Naga City dahil nagsisilbi itong oportunidad sa lahat na ipagmalaki ang kanilang mga produkto.
Samantala, sa susunod na taong 2024, sa pagdiriwang ng ika-100 na taon ng canonical coronation ni Ina ay inaasahan na mas paghahandaan ng Simbahan at ng LGU-Naga ang naturang aktibidad.
Sa ngayon, muli na lamang nagpaabot ng kaniyang pasasalamat si Legacion sa lahat ng nagtulong-tulong para sa ikakatagumpay ng pagdiriwang ng Peñafrancia Festival 2023.