Nanawagan si Parañaque City Rep. Brian Raymund Yamsuan ng pansamantalang pagpapatupad ng work-from-home (WFH) at online class setup upang mabawasan ang konsumo ng produktong petrolyo sa bansa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.

Ayon sa kongresista ng Parañaque City, dapat umanong kumilos agad ang pamahalaan at pribadong sektor upang paghandaan ang posibleng paglipat sa WFH arrangement para sa mga empleyado at online classes para sa mga paaralan kung magpapatuloy ang pagsirit ng presyo ng langis.

“We should act fast to ease the burden on our countrymen if oil prices continue to spike,” ani Yamsuan, sabay-diin na ito ang agarang hakbang upang makatulong sa mga sektor na unang maaapektuhan ng oil crisis.

Nitong Martes, nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng panibagong taas-presyo na pumalo sa P1.90 kada litro sa gasolina, P1.20 sa diesel, at P1.50 sa kerosene.

Advertisement

Ito na ang ikawalong sunod na linggo ng pagtaas sa presyo ng gasolina at ika-10 linggo naman para sa diesel at kerosene. Inaasahang magpapatuloy pa ang paggalaw paitaas ng presyo dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

Binigyang-diin ni Yamsuan na unang tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng langis ang sektor ng transportasyon, na kalauna’y nagdudulot ng pagmahal ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Advertisement