NAGA CITY- Nagkaroon ngayon ng wild fire sa 55 hectares sa bahagi ng Southern and Central California.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Virginia Contreras, sinabi nito na ito ay resulta ng pagkakaraoon ng heat wave at pagkidlat sa lugar kung saan nagdulot ng malawakang sunog.
Dagdag pa nito, naiiba ang nararanasang pagkidlat sa lugar sapagkat hindi katulad sa Pilipinas, ito ay walang kasamang pag-uulan.
Aniya, naaapektuhan na rin nito ang kalidad ng hangin kung saan nalalanghap na nila ang masangsang na amoy ng usok kung saan maging ang mga COVID stations na nagsasagawa ng swab testing ay apektado na rin sapagkat ayaw ng lumabas ng mga tao dahil sa hindi magandang amoy.
Samantala, sinabi rin nito na dahil sa lawak ng California, maliit lamang ito at normal lamang sa kanila ang ganitong karanasan.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagpapahupa ng mga bombero sa naturang sunog.