NAGA CITY- Isinagawa ng City Veterinary Office sa Naga City ang World Rabies Awareness Month nitong Sabado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Marilee Lingua, OIC ng Naga City Veterinary Office, sinabi nito na ang aktibidad ay ang pagbabakuna para sa mga 3 buwang gulang pataas ng mga alagang hayop.
Bukod sa pagbabakuna, nag-aalok din ito ng neutering o ang pagkakapon ng mga lalaking pusa at aso ngunit sa kasalukuyan ay mayroon itong bayad na 75 pesos.
Mahalaga umano ang nasabing aktibidad upang ipaalala sa mga pet owners na maging responsable lalo na at marami na ang nagpapaabot ng reklamo tungkol sa mga dumi ng mga aso at pusa sa mga kalsada gayundin ito rin ang isa sa dahilan ng mga naitalang aksidente sa kalsada.
Samantala, binigyan-diin rin ng isang doktor ang importansya ng pagpapabakuna sa mga alagang hayop.
Sa panayam naman ng aming himpilan kay Dr. Rey Andrew Dimaano, NCGH ABTC Coordinator, sinabi nito na taun-taon isinasagaw ang nasabing programang dahil kailangan umanong sumunod ng mga pet owners sa pagbabakuna upang maiwasan ang kanilang mga alagang hayop na magkaroon ng rabies gayundin ang mahawa kung sila ay nakagat ng asong may rabies.
Dagdag pa niya, delikado ang rabies dahil nakamamatay ito lalo na kung nahawahan nito ang nervous system ng tao kung saan wala pang lunas na makakapag-reverse ng rabies kung saan maaaring mamatay ang tao sa loob ng 28 hanggang 48 oras.
Samantala, base sa statistics ng kanilang tanggapan na sa taong 2022 ay may humigit-kumulang 5 kaso ng human rabies habang noong 2023 ay mayroong 2 kaso ang nakumpirma, at sa kasalukuyang taon ay wala pang naitalang kaso ng human rabies.
Sa kabilang banda, mahigit dalawang daan (200) naan na aso sa lungsod ang napasailalim sa mercy killing ng City Veterinary Office.
Ang City Veterinary Office ay nanghuhuli ng mga ligaw na aso at binibigyan ang kanilang mga may-ari ng sapat na oras upang iligtas ang kanilang mga alagang hayop.
Gayunpaman, para sa mga aso na may sakit at walang pag-asang gumaling, kinailangan ng ma-euthanize.
Ayon sa tanggapan, ang prosesong ito ay legal at naaayon sa mga batas.
Patuloy ding ibinabahagi ng tanggapan ang kanilang mga programa para sa mga alagang hayop ng mga Nagueño.