NAGA CITY- Target ngayon ng lalawigan ng Camarines Sur ang zero casualty sa kabila ng pinangangambahang pananalasa ng Bagyong Tisoy sa Kabikolan.
Sa ipinalabas na advisory ni CamSur Gov. Migz Villafuerte inatasan nito ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMCs) na mas paigtingin pa ang pagmomonitor sa mga high risk areas lalo na ang mga apektado ng mga pagbaha, flashflood, landslide at storm surge.
Ayon naman sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), natuto na sila sa mga pagkukulang noong mga nakaraang bagyo kung kaya wala pa man ang kalamidad, all set na ang mga disaster preparedness.
Sa ngayon, nakared alert na ang buong lalawigan habang ipinag-utos na rin ng gobernador ang mandatory preemptive at force evacuation sa iba’t ibang lugar sa CamSur mula bukas hanggang sa araw ng Lunes.
Maliban dito, tiniyak din ng National Food Authority na sapat ang bigas para sa mga evacuees na mananatili sa mga evacuation centers ng ilang araw.