NAGA CITY- Nakasungkit ng isang gold medal at dalawang silver medal ang Philippine Karatedo League (PKL)-Naga sa Karaté IDOL 3 Philippine Open International Virtual Kumite Tournament.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa PKL- Naga, napag-alaman na sinalihan ito ng limang bansa gaya ng Macau, Iran, Canada, Nepal at Pilipinas.
Habang ayon naman kay Sensei Alan Baldoza, Head Instructor ng PKL Naga, na sa kabila ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, mas pinili nila na ituon ang kanilang atensyon sa ganitong aktibidad sa halip na magkulong dahil sa pandemya.
Dagdag pa nito na sa kabila naman ng mga pagsubok na nararanasan ng team, masaya ito sa nakuha nilang achievements.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang kanilang paghahanda para sa susunod nilang tournament ngayon na Agosto 21 hanggang 23, 2020 na Philippine Karatedo League (PKL) 4.
Samantala, kinumpirma naman ng grupo na hindi naapektuhan ang bilang ng kanilang mga enrollees sa naturang martial art.
Sa kabilang dako, napag-alaman na nagsimula ang PKL taong 1994 kung saan sa ngayon, mayroon na silang 45 branches sa bansa.