NAGA CITY- Nangako ng 1 million Afghani ang Prime Minister ng Taliban Government na si Mullah Muhammad Hassan matapos ang magnitude 6.1 na lindol sa Afghanistan.
Matatandaan na mahigit sa 1,000 katao ang namatay habang mahigit naman sa 1,500 ang mga nasugatan sa insidente.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Joel Tungal, mula sa naturang bansa, sinabi nito na nakalaan ang nasabing halaga sa Paktika at Khost province labis na naapektuhan ng nasabing lindol.
Ayon pa dito, nagtungo sa nasabing lugar si Mullah Abdul Ghani Baradar, chairman ng Disaster Management Committee upang mamuno sa sitwasyon at maging sa mga residentes sa lugar.
Inamin naman ni Tungal na hindi umano preparado ang Taliban Government sa ganitong mga sakuna maging sa pagsagawa ng search and rescue operations.
Sa gitna nito, agad naman umano na kumilos ang Ministry of Health ng nasabing bansa upang rumisponde sa area at maalalayan ang mga nakaligtas sa malakas na lindol.
Samantala, nagbigay naman ng tulong ang Iran at Pakistan gayundin ang iba pang mga bansa sa Afghanistan.
Sa ngayon, ito naman ang pangatlong lindol na naitala sa bansa ng Afghanistan ngunit ito naman umano ang unang bese na magkaroon ng lindol sa Paktika province.