Mariing kinondena ng North Korea ang patuloy na pag-atake ng United States at Israel laban sa Iran, na tinawag nitong isang “illegal act of aggression” at malinaw na paglabag sa soberanya ng isang estado.
Sa pahayag ng tagapagsalita ng foreign ministry ng Pyongyang na inilabas sa pamamagitan ng state-run Korean Central News Agency, sinabi nitong ang mga kampanyang militar laban sa Iran ay pinakakasuklam-suklam na anyo ng paglabag sa soberanya.
Dagdag ng opisyal, mariing kinokondena ng DPRK ang walang kahihiyang rogue act ng U.S. at Israel. Inakusahan din nito ang dalawang bansa na ginagamit ang kanilang lakas-militar upang isulong ang umano’y makasarili at hegemonikong ambisyon.
Ang pahayag ay inilabas sa gitna ng mga ulat na nais muling buhayin ng Washington ang high-level talks sa Pyongyang. Kamakailan, sinabi ni Kim Jong Un na maaaring “magkasundo” ang dalawang bansa kung kikilalanin ng U.S. ang nuclear status ng North Korea.
Advertisement














