NAGA CITY – Patay ang isang magsasaka matapos na makuryente sa Purok 5, Barangay Ubang, Capalonga, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Danilo Enguerra, 68-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CSPPO), napag-alam na natagpuan na lamang ng dalawang saksi ang wala nang buhay na katawan ng biktima na nakahundsay sa madamong bahagi ng tinitirhan nito habang hawak-hawak ang electric live wire.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, sinubukan pa umanong iligtas ng mga ito ang biktima sa pamamagitan ng paghihiwalay ng katawan nito sa live wire gamit ang kahoy at plastic.

Agad naman na dinala sa ospital ang biktima para sana sa asistensya medikal ngunit hindi na ito umabot pa.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.