Nagsimula na nitong Huwebes ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng tig-P5,000 cash assistance sa mahigit 137,700 delivery riders sa Metro Manila, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa DSWD-National Capital Region, dagsa na ang mga delivery rider sa Kartilya ng Katipunan sa Maynila upang kunin ang kanilang tulong-pinansyal sa unang araw ng payout.
Isinagawa muna ang validation process sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng lokal na pamahalaan ng Maynila bago sinimulan ang distribusyon ng ayuda.
Bukod sa Maynila, nagsimula na rin ang pamamahagi sa iba’t ibang payout sites sa buong Metro Manila. Isasagawa ang payout sa loob ng tatlong araw—Huwebes, Biyernes, at Lunes—sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD.
Pinapayuhan ang mga benepisyaryo na i-check ang kanilang pangalan, iskedyul, at lugar ng payout sa opisyal na listahan na inilabas ng LTFRB. Ang mga hindi nakasama sa unang listahan ay bibigyan ng hiwalay na iskedyul ng payout.
Kinakailangan ding magdala ng orihinal na driver’s license at photocopy nito upang makuha ang ayuda.
Nauna nang nagsimula ang pamamahagi ng cash assistance sa iba pang transport workers: tricycle drivers noong Marso 17, TNVS drivers noong Martes, at jeepney drivers noong Miyerkules, habang inaasahang makakatanggap naman ang motorcycle taxi drivers sa Sabado.
Ayon sa DSWD, palalawakin pa ang AICS program para sa mga apektadong transport workers sa buong bansa matapos ang Semana Santa.














