NAGA CITY – Patay ang isang magsasaka matapos na pagbubugbugin ng tatlong indibidwal sa Brgy. Magallanes Lopez, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jessie Boy Castro, 34-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang bumibili ng burger ang biktima kasama sina Alberto at Abelardo Atienza nang biglang dumating ang mga suspek na sina Bernardino Dela Torre Jr., 34-anyos; Alyas Pugoy; at Alyas Itcho na sakay ng isang motorsiko.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na kinompronta ng tatlong suspek ang biktima na naging dahilan upang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang mga ito.

Ito rin umano ang naging dahilang upang tuluyan nang bugbugin ng mga suspek si Castro at dito na rin pinukpok ni Dela Torre nang bato ang ulo ng biktima na naging dahilan nang agaran nitong pagkamatay.

Ngunit, matapos ang nasabing insidente agad naman na tumakas ang mga suspek sa hindi pa malaman na direksiyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente maging ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan nang mga ito para sa karampatang disposisyon.