Nanawagan ang National Bureau of Investigation (NBI) kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na sumuko na lamang nang mapayapa kaugnay ng inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, isang personal na desisyon ang pahayag ni dela Rosa na hindi siya susuko, ngunit iginiit niyang bilang dating alagad ng batas, alam ng senador ang kahalagahan ng pagrespeto sa mga ipinatutupad na warrant of arrest mula sa isang competent court.
Giit ni Matibag, mas mainam na sumuko na lamang ang senador upang maiwasan ang anumang habulan at posibleng kaguluhan, at upang mas maayos na maisagawa ang proseso ng batas.
Paalala rin niya na tungkulin ng law enforcement na ipatupad ang mga warrant, at kung hindi ito magagawa, maaaring magdulot ito ng “breakdown of law and order.”
Dagdag pa ng NBI chief, mas makabubuti umano kung kusa nang susuko si dela Rosa upang hindi na madamay pa ang iba at maiwasan ang komplikasyon sa operasyon ng mga awtoridad.
Matatandaang sinubukan ng mga NBI agent na ipatupad ang ICC warrant noong dumalo si dela Rosa sa Senado, ngunit hindi ito naisilbi matapos siyang pumasok sa session hall at kalauna’y ilagay sa protective custody ng Senado.














