NAGA CITY – Patay ang isang magsasaka matapos na pagbabarilin sa Calauag, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Jason Vera, 30-anyos, residente ng Barangay Marilag, sa nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nakikipag-inuman ang biktima sa dalawang iba pa ng bigla na lamang umanong pumasok ang mga suspek na sina alyas Jr at alyas D-Boy.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dito na sinimulang i-harass ni alyas Jr. si Vera.
Samantala, hindi naman nagtagal at pinaputukan ni alyas D-Boy ang biktima gamit ang hindi pa malamang kalibre ng baril.
Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima dahilan ng agaran nitong pagkamatay.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa posibleng motibo at kinaroroonan ng mga suspek na agad namang tumakas matapos isagawa ang nasabing krimen.