NAGA CITY – Dead-on-the-spot ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Sampaguita, Barangay Bignay 2, Sariaya, Quezon
Kinilala ang namatay na si Mark Ellizer Magsino, 34-anyos at ang sugatan na si Leo Mendoza, parehong residentes ng Barangay Bolbok, Lipa City, Batangas.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa burol ng isang Apolinario Rivarez at naglalaro nang tong-its si Magsino nang bigla nalang itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.
Samantala, ang nakaupo naman sa katabi ni Magsino na si Mendoza ay natamaan ng ligaw na bala sa kanyang mukha.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na agad na binawian ng buhay si Magsino habang dinala naman sa ospital si Mendoza para sa asistensya medikal.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan gayundin ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan ng naturang salarin.