NAGA CITY- Patay ang isa katao habang sugatan naman ang 11 iba pa matapos na aararuhin ng pick-up truck ang isang bahay sa Brgy. San Francisco B, Lopez Quezon.

Sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office QPPO, sinasabing habang binabaybay ng sasakyan na minamaneho ni Rolando Magnaye 40-anyos ang lugar nang biglang mawalan ito ng kontrol at bumangga sa bahay nang nagngangalang Fresco Andal 61-anyos sa nasabing lugar.

Nabatid na hindi pamilyar si Magnaye sa daan kung kaya hindi nito nakontrol ang minamanehong sasakyan.

Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Magnaye na agad namang dinala sa ospital at ang 10 iba pang sakay nito subalit agad namang binawian ng buhay si Edwin Banagua na sinasabing nakaupo sa unahang parte ng behikulo.

Samantala, sugatan rin si Andal na sa ngayon hindi pa matukoy ang kabuong pinsala sa kanyang inararong bahay.

Sa ngayon, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.