NAGA CITY – Patay ang isang indibidwal habang sugatan naman ang dalawa pa sa nangyaring pananaga Real, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Gigi Ibanez, 46-anyos; Kristine Sanchez, 39-anyos; at Rosalinda Silvestre, kapwa residente ng Purok Rose, Brgy. Poblacion Uno sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial office, napag-alaman na habang nag-iinuman ang nasabing mga biktima sa bahay ng isang Flora Coronacion sa naturang lugar nang bigla na lang dumating ang suspek na kinilalang si Joel Ibañez, 47-anyos, at pinagtataga ang mga biktima sa hindi malamang dahilan.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Ngunit sa kasamaang palad ay idineklara ring dead on arrival ng mga doktor si Ibanez.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan ng suspek.