Naaresto ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa Naga City noong Abril 9, 2026, kung saan umabot sa ₱68,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-8:17 ng gabi sa Brgy. San Felipe, kung saan nasakote ang dalawang street-level individuals na kinilalang sina alyas “Vince” at “Ador.”
Pinangunahan ang operasyon ng Naga City Police Office sa pamamagitan ng City Police Drug Enforcement Unit/City Intelligence Unit (CPDEU/CIU), katuwang ang Police Station 3, at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office V.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang pitong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 10 gramo at may standard drug price na ₱68,000.
Matapos ang operasyon, dinala ang mga suspek at ang mga nakuhang ebidensya sa Police Station 3 ng Naga CPO para sa dokumentasyon at disposisyon.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga naaresto para sa paglabag sa Republic Act 9165.














